KUMAKALAT ngayon ang isang opposition paper sa confirmation
sa Commission on Appointments ni Gina Lopez bilang Environment Secretary kung
saan sinasabi na siya ay naglustay ng milyong-milyong piso, itinaboy ang mga
katutubo mula sa kanilang lupa, walang habas na nagputol ng mga puno, at kinopo
ang mga proyekto ng gobyerno para sa kapakinabangan ng mga kompanya ng
kapamilya gamit ang kanyang estado bilang isang environment advocate.
Basehan nito ang iniulat ng Finance Department na aabot sa
halos isang bilyong piso ang mawawalang buwis sa mga lokal na pamahalaan sa
desisyon ni Sec. Gina na ipasara ang 28 mining sites sa buong bansa.
Ayon sa report, tatamaan ang kita ng 17 siyudad at munisipalidad
sa 10 probinsiya ng bansa.
Lumilitaw din na panget ang track record ni Lopez sa
pamamahala sa mga eco-tourism project at ilan dito ang tatlong environment
project na in-award sa kanya.
May conflict of interest dahil tumayong managing director si
Lopez sa ABS-CBN Foundation Inc. at Bantay Kalikasan na nagkamal ng salapi mula
sa mga naturang proyekto.
Tumakbo ang mga tinukoy na proyekto ni Lopez na Sabsaban
Falls Eco-tourism Project sa Palawan, La Mesa Ecopark Project sa Quezon City,
at Pasig River Rehabilitation Project sa ilalim ng mga nagdaang administrasyon
at nagripuhan ang kaban ng bayan ng multi-milyong piso.
Kasabay ng kumakalat na opposition paper na ito, nagpasa rin
sa CA ang mga katutubo sa Surigao ng isa pang opposition paper laban kay Sec.
Lopez.
Anila, maghihirap silang muli kapag ipinahinto ng kalihim
ang pagmimina sa kanilang probinsiya lalo’t lumalabas na walang kahandaan ang
ibang departamento ng gobyerno para matugunan ang kanilang sitwasyon na resulta
ng padalos-dalos na hakbang ni Sec. Gina.

No comments:
Post a Comment